Wednesday, October 30, 2019

BLAG #1: K-12: GURO ANG SUSI SA ISANG MAHUSAY NA KURIKULUM


BLAG #1:
Image result for students filipinoK-12: GURO ANG SUSI SA ISANG MAHUSAY NA KURIKULUM

Hindi naman talagang maitatanggi na ang K-12 Kurikulum ay isang eksperimento lamang sa mga pilipinong mag-aaral. Maraming pagkukulang ang gobyerno sa usapin ng pasilidad, kaguruan at mga kagamitang pampagtuturo, lalong-lalo na ang mga modyul, silabus, gabay na kurikulum, teksbuks at iba pa. Naranasan ko ang sistemang ito dahil ako ay isang produkto ng k-12, unang daluyong ng mga mag-aaral na sumailalim sa kurikulum na ito. Talagang eksperimento ito dahil lahat ay nangangapa kung ano ba ang dapat gawin, ano ang dapat ituro at kung ano-ano pa. Sa PUP Manila ako nag-aral ng senior high school na kung saan alam naman ng marami na ang pasilidad doon ay hindi naman ganoon kagandahan, mainit at kulang na kulang sa kagamitan. Isang patunay na lamang nito ay ang kakulangan sa upuan dahil kinakailangan mo pang libutin ang buong campus sumilip sa bawat kuwarto kung may sobra ba silang upuan para lamang makaupo ka sa klase mo. Pero hindi naman naging hadlang sa akin ang mga kakulangan na ito. Dahil alam kong may kalidad ang pagtuturo sa PUP. Naging mulat ako sa mga isyung panlipunan lalong-lalo na sa larang ng edukasyon. Lalong napaigting ang naisin kong maging guro dahil sa mga nakita kong problema ng edukasyon. Ito rin ang aking naging tuntungan para mas lalong mahalin ang aking bayan sa pamamagitan ng pagkuha ng kursong medyor sa Filipino.
Kung sa usapin naman ng pagrerepaso ng k-12 program na kasalukuyang ipinapatupad sa ating mga paaralan, hindi ako sumasang-ayon. Bagama’t maraming problema ang ikinakaharap ng kurikulum na ito, hindi pa rin ako sumasang-ayon sa pagtanggal nito dahil nandiyan na ‘yan eh. Kumbaga ang k-12 ay maaaring ihalaw sa magulang na mayroong anak na nabuntis nang maaga, maibabalik mo pa ba ang mga nangyari? Papatayin mo ba ang sarili mong apo dahil siya ay isang malaking pagkakamali ng kahapon? Ang maaari mo na lang gawin ay tanggapin ang mga nangyari at gumawa na lamang ng paraan para mairesolba pa ang mga problema. Sa totoo lang, nang una kong marinig ang k-12, ako’y hindi sang-ayon kasi dagdag dalawang taon ito sa pag-aaral ko at ang mga mgagulang namin ang maghihirap. Pero sa tingin ko, mas lalong lalaki ang problema kapag ito ay ipinilit pang tanggalin. Maguguluhan na ang mga bata, at siyempre lalong-lalo na ang mga kaguruan. Maaaring hindi na nila malaman kung ano ba talaga ang dapat na ituro sa bata dahil malilito sila kung anong kurikulum ang dapat sundin. Kumbaga, kulang na nga sa kahandaan ang k-12, magdadagdag na naman ba tayo ng isa pang problema na hindi rin tayo handa?
Naniniwala ako na kung ikaw ay isang mahusay na guro, magagawan mo ng paraan ang mga nabanggit kong kakulangan kanina. Kung walang maibigay na teksbuk ang gobyerno, ikaw mismo na guro ang gumawa ng paraan. Sa gabay na kurikulum na naibigay ng gobyerno, (bagama’t maraming mali-mali) maaari kang bumuo ng sarili mong estratehiya sa pagtuturo. Lagi nating iisipin na ang guro ang susi sa isang mahusay na kurikulum. Dapat lagi’t lagi ang guro ang pinakamakapangyarihan sa loob ng klase. Wala kasing saysay ang mga kagamitang pampagtuturo kung ang guro mismo ay walang kuwenta at hindi nagtuturo sa loob ng klase. Dapat lagi’t laging sisimulan ng guro sa sarili ang pag-unlad bago mailipat sa kaniyang mag-aaral ang pagbabago. Para sa akin, ang kurikulum ay katawagan lang. Nasa guro pa rin talaga kung papaano magkakaroon ng kahusayan sa loob ng klase at kung paano nito isasapraktika ang mga kasanayan sa loob ng klase papunta sa tunay na mundo.
Maraming maaaring gawin ang mga taong tagpamahala ng gobyerno sa larangan ng edukasyon. Una, pagdating sa pisikal na pangangailangan, kinakailangan nilang tugunan ang mga kakulangan na pasilidad at mga materyales sa pagtuturo sa pamamagitan ng pagbigay ng tamang budget sa bawat paaralan at kinakailangan na ang mga administrador ng bawat paaralan ay maayos na ilaan ang mga ito. Pagdating naman sa mga kaguruan, kinakailangan na ang Kagawaran ng Edukayon ay mangasiwa pa ng maraming intensibong pagsasanay patungkol sa k-12 kurikulum. At kailangan sa bawat palihan na isasagawa ng gobyerno, isasabay dito ang pagsuporta sa mga kaguruan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga tamang materyales sa pagtuturo. Isa pang maaaring gawin ay ang pagbuo at paglikha ng marami pang pananaliksik pagdating sa bagong kurikulum na ito.
Naniniwala ako na ang iba’t ibang uri ng kurikulum ay may magandang hangarin. Hindi lang talaga sapat ang paghahanda ng bansang Pilipinas para rito. Pero huwag na sana nating dagdagan pa ang patong-patong na problema na kinahaharap ng bansa sa pamamagitan ng pagtanggal sa kurikulum na ito. Bagkus, magtulong-tulong na lamang tayo kung paano pa ba natin mapapaganda at mapapaayos ang isang problema. Sabi nga nila, ‘ituloy ang labang nasimulan na’.


No comments:

Post a Comment

BLAG #1: K-12: GURO ANG SUSI SA ISANG MAHUSAY NA KURIKULUM

BLAG #1: K-12: GURO ANG SUSI SA ISANG MAHUSAY NA KURIKULUM Hindi naman talagang maitatanggi na ang K-12 Kurikulum ay isang eksperime...