BLAG
#1:
Hindi naman talagang
maitatanggi na ang K-12 Kurikulum ay isang eksperimento lamang sa mga
pilipinong mag-aaral. Maraming pagkukulang ang gobyerno sa usapin ng pasilidad,
kaguruan at mga kagamitang pampagtuturo, lalong-lalo na ang mga modyul,
silabus, gabay na kurikulum, teksbuks at iba pa. Naranasan ko ang sistemang ito
dahil ako ay isang produkto ng k-12, unang daluyong ng mga mag-aaral na
sumailalim sa kurikulum na ito. Talagang eksperimento ito dahil lahat ay
nangangapa kung ano ba ang dapat gawin, ano ang dapat ituro at kung ano-ano pa.
Sa PUP Manila ako nag-aral ng senior high
school na kung saan alam naman ng marami na ang pasilidad doon ay hindi
naman ganoon kagandahan, mainit at kulang na kulang sa kagamitan. Isang patunay
na lamang nito ay ang kakulangan sa upuan dahil kinakailangan mo pang libutin
ang buong campus sumilip sa bawat
kuwarto kung may sobra ba silang upuan para lamang makaupo ka sa klase mo. Pero
hindi naman naging hadlang sa akin ang mga kakulangan na ito. Dahil alam kong
may kalidad ang pagtuturo sa PUP. Naging mulat ako sa mga isyung panlipunan
lalong-lalo na sa larang ng edukasyon. Lalong napaigting ang naisin kong maging
guro dahil sa mga nakita kong problema ng edukasyon. Ito rin ang aking naging
tuntungan para mas lalong mahalin ang aking bayan sa pamamagitan ng pagkuha ng
kursong medyor sa Filipino.
Kung sa usapin naman ng
pagrerepaso ng k-12 program na
kasalukuyang ipinapatupad sa ating mga paaralan, hindi ako sumasang-ayon. Bagama’t
maraming problema ang ikinakaharap ng kurikulum na ito, hindi pa rin ako
sumasang-ayon sa pagtanggal nito dahil nandiyan na ‘yan eh. Kumbaga ang k-12 ay
maaaring ihalaw sa magulang na mayroong anak na nabuntis nang maaga, maibabalik
mo pa ba ang mga nangyari? Papatayin mo ba ang sarili mong apo dahil siya ay
isang malaking pagkakamali ng kahapon? Ang maaari mo na lang gawin ay tanggapin
ang mga nangyari at gumawa na lamang ng paraan para mairesolba pa ang mga
problema. Sa totoo lang, nang una kong marinig ang k-12, ako’y hindi sang-ayon
kasi dagdag dalawang taon ito sa pag-aaral ko at ang mga mgagulang namin ang
maghihirap. Pero sa tingin ko, mas lalong lalaki ang problema kapag ito ay
ipinilit pang tanggalin. Maguguluhan na ang mga bata, at siyempre lalong-lalo
na ang mga kaguruan. Maaaring hindi na nila malaman kung ano ba talaga ang
dapat na ituro sa bata dahil malilito sila kung anong kurikulum ang dapat
sundin. Kumbaga, kulang na nga sa kahandaan ang k-12, magdadagdag na naman ba
tayo ng isa pang problema na hindi rin tayo handa?
Naniniwala ako na kung ikaw
ay isang mahusay na guro, magagawan mo ng paraan ang mga nabanggit kong
kakulangan kanina. Kung walang maibigay na teksbuk ang gobyerno, ikaw mismo na
guro ang gumawa ng paraan. Sa gabay na kurikulum na naibigay ng gobyerno,
(bagama’t maraming mali-mali) maaari kang bumuo ng sarili mong estratehiya sa
pagtuturo. Lagi nating iisipin na ang guro ang susi sa isang mahusay na
kurikulum. Dapat lagi’t lagi ang guro ang pinakamakapangyarihan sa loob ng
klase. Wala kasing saysay ang mga kagamitang pampagtuturo kung ang guro mismo
ay walang kuwenta at hindi nagtuturo sa loob ng klase. Dapat lagi’t laging
sisimulan ng guro sa sarili ang pag-unlad bago mailipat sa kaniyang mag-aaral
ang pagbabago. Para sa akin, ang kurikulum ay katawagan lang. Nasa guro pa rin
talaga kung papaano magkakaroon ng kahusayan sa loob ng klase at kung paano
nito isasapraktika ang mga kasanayan sa loob ng klase papunta sa tunay na
mundo.
Maraming maaaring gawin ang
mga taong tagpamahala ng gobyerno sa larangan ng edukasyon. Una, pagdating sa
pisikal na pangangailangan, kinakailangan nilang tugunan ang mga kakulangan na
pasilidad at mga materyales sa pagtuturo sa pamamagitan ng pagbigay ng tamang budget sa bawat paaralan at
kinakailangan na ang mga administrador ng bawat paaralan ay maayos na ilaan ang
mga ito. Pagdating naman sa mga kaguruan, kinakailangan na ang Kagawaran ng
Edukayon ay mangasiwa pa ng maraming intensibong pagsasanay patungkol sa k-12
kurikulum. At kailangan sa bawat palihan na isasagawa ng gobyerno, isasabay dito
ang pagsuporta sa mga kaguruan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga tamang materyales
sa pagtuturo. Isa pang maaaring gawin ay ang pagbuo at paglikha ng marami pang
pananaliksik pagdating sa bagong kurikulum na ito.
Naniniwala ako na ang iba’t
ibang uri ng kurikulum ay may magandang hangarin. Hindi lang talaga sapat ang
paghahanda ng bansang Pilipinas para rito. Pero huwag na sana nating dagdagan
pa ang patong-patong na problema na kinahaharap ng bansa sa pamamagitan ng
pagtanggal sa kurikulum na ito. Bagkus, magtulong-tulong na lamang tayo kung
paano pa ba natin mapapaganda at mapapaayos ang isang problema. Sabi nga nila, ‘ituloy
ang labang nasimulan na’.